MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Land Transportation Office (LTO) na peke ang No. 7 protocol plate na nakakabit sa sports utility vehicle (SUV) na nag-viral matapos tangkaing sagasaan ang isang babaeng traffic enforcer sa EDSA Busway noong Linggo ng gabi.
Base sa inisyal na pag-iimbestiga, walang protocol plate, kabilang na ang No. 7 na para sa mga senador, na inisyu sa naturang klase ng SUV na nakita sa viral video.
“The initial information we have based on the assessment of the pieces of evidence at hand is that the ‘7’ protocol plate attached to the SUV in the viral video is fake,” saad ng LTO sa isang statement noong Lunes.
Nakikipag-ugnayan na umano sila sa DOTr- SAICT para sa iba pang detalye tungkol sa puting SUV na magreresulta sa pagtukoy sa may-ari ng nasabing sasakyan.
Tiniyak din ng ahensiya ang pag-iisyu ng show cause order laban sa registered owner at driver ng SUV.