Pastora itinumba sa Undas!

Kinilala ang biktimang si Ma. Fe Armiza alyas “Sister Abel”, residente ng Sitio Balagbag, Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal, na nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan.
Image by Rudy and Peter Skitterians from Pixabay

Sa harap ng 2 pamangkin...

MANILA, Philippines — Isang 63-anyos na babaeng pastor ng Alpha Omega Church ang nasawi matapos na pagbabarilin sa harap ng kanyang mga pamangkin sa bulubunduking boundary ng Rodriguez, Rizal at San Jose Del Monte City, Bulacan nitong Biyernes ng umaga o mismong Araw ng mga Patay.

Kinilala ang biktimang si Ma. Fe Armiza alyas “Sister Abel”, residente ng Sitio Balagbag, Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal, na nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan.

Sa inisyal na ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, dakong alas-8:40 ng umaga nang maganap ang krimen sa bulubundukin at liblib na lugar ng Sitio Balagbag, sa Barangay San Isidro, ng nasabing bayan.

Nabatid na habang nasa labas ng kanyang bahay si Pastora Armiza kasama ang kanyang mga pamangkin na lalaki at babae na nagsusukat ng kanilang lupain, nang biglang dumating ang gunman at malapitan siyang pinaputukan nang sunud-sunod.

Tinawag pa ng suspek ang biktima ng “Sister Abel!” bago pinagbabaril.

Ayon kay Lt. Col. Arnold Selencio, hepe ng Rodriguez Police, dead-on-the-spot ang biktima sa crime site habang ang suspek ay mabilis na naglakad saka sumakay sa isang nakahimpil na motorsiklo na dala ng kasabwat nito at nagsilbing lookout at driver at sumibat patungo sa direksyon ng Barangay Macabud.

Ayon kay Selencio, isa sa mga tinitingnang anggulo sa pagpatay sa pastora ay “land dispute” o away sa lupa dahil sa may nakainbin na reklamong nakahain sa barangay hall laban sa biktima.

Nagsasagawa na ng backtracking investigation ang pulisya upang matukoy ang salarin. Isang indibiduwal na ang kinokonsidera bilang “person of interest” sa krimen.

Show comments