MANILA, Philippines — Sinampahan ng kaso ng Marikina City Local Government Unit (LGU) ang anim katao kabilang ang administrator ng Barangka Cemetery dahil sa umano’y paghuhukay ng mga bangkay sa naturang sementeryo ng walang permiso.
Mismong sina City Epidemiology Surveillance Unit (CESU) head Dr. Christopher N. Guevara at Environmental Health and Sanitation chief Rolando V. Dalusong ang naghain sa Marikina City Prosecutors’ Office ng kasong paglabag ng Presidential Decree 856, laban sa administrators, administrative staff at undertakers ng Barangka Public Cemetery na sina Renato Beltran; Ian Lester Beltran; Irish Santos; Rowell Ogayon; Pablo Papa; at isang alyas “Solayao.”
Batay sa reklamo, nilabag ng mga akusado ang Section 5 ng PD 856 na nagbabawal sa hindi otorisadong paggambala o paghukay sa mga labi ng isang yumao, nang walang kaukulang permiso, at pagkabigong ilibing ang mga itong muli ng maayos.
Nabatid na nag-ugat ang pagsasampa ng kaso matapos na lumitaw sa isinagawang imbestigasyon at inspeksiyon ng City Health Office (CHO) na may ilang bangkay ang nakasilid sa plastic bags ang nadiskubre sa isang open space sa loob ng naturang sementeryo.
Nakasaad sa reklamo na ang mga naturang labi ay hinukay ng walang kaukulang permit at hindi rin inilibing ng maayos.
Matatandaang una nang inatasan ni Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ang mga opisyal ng sementeryo na huwag hukayin ang alinmang puntod sa Barangka Cemetery, na sumasailalim sa rehabilistasyon.