Scam hub ni-raid: 116 dayuhan, Pinoy naaresto

Operatives of the National Capital Region Police Office raid a suspected scam hub.

MANILA, Philippines — Umaabot sa 116 empleyado ng isang scam hub ang naaresto nang salakayin ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) kasama ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang isang establisyemento sa Adriatico St., sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sa nasabing bilang 47 ang Pinoy, 35 ang Chinese national, 24 ang Indonesian, at 10 ang Malaysian na dinatnan habang nasa harap ng kanilang mga computer sa umano’y live online love scam at cryptocurrency investment scam, alas-9:00 ng gabi.

Sinabi ni PCol. Jay Guillermo, hepe ng Cyber Response Unit sa PNP ACG na may complainant na nagbigay ng impormasyon hinggil sa love scam operation sa ika-23 palapag na kanilang inaplayan ng search warrant bago salakayin.

Modus umano ng mga empleyado ang magpanggap na naghahanap ng karelasyon hanggang sa makumbinse na mag-invest sa cryptocurrency.

Gumagawa ng iba’t ibang account ang mga em­pleyado at tinatarget ang mga indibidwal sa iba’t ibang bansa, gamit ang translator upang palabasin na sila ay kababayan na naroon lamang sa kanilang bansa, gayung nasa Pilipinas ang operasyon.

May ilang beses na umanong ni-raid ang nasabing establisyemento dahil kanselado na ang lisensya nito noong Nobyembre 2023.

Nakikipag-ugnayan na sa Bureau of Immigration (BI) ang PNP-ACG upang matukoy ang status ng mga dayuhan, habang wala namang ‘Big Boss’ ang nadakip sa nasabing raid.

Show comments