Magkaibigan sinet-up ng kausap para itumba

MANILA, Philippines — Nasawi noon din ang magkaibigang lalaki matapos pagbabarilin ng isang lalaki na nakamotor habang nakatambay sa waiting shed sa Brgy. Lutucan Malabag, Sariaya, Quezon, kamakalawa ng gabi,

Kinilala ang magkaibigang nasawi na kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan na sina Bernardo Maranan 32-anyos; at June Regalado, 28-anyos.

Ayon kay Sariaya police chief, Lt. Col. Carlo Caceres, Sariaya, alas-8:30 ng gabi ay nagtungo ang mga biktima sa nasabing lugar upang katagpuin ang isang lalaki na kanilang katransaksyon.

Habang naghihintay ay dumating ang isang lalaking nakamotorsiklo at paglapit nito sa mga kaibigan ay pinagbabaril gamit ang kalibre 45 baril.

Walang nakakita sa pangyayari maliban sa bahagyang nahagip ng CCTV sa lugar. Agad umalis ang suspek matapos maisagawa ang pagbaril.

Ayon sa pulisya na si Maranan na kalalaya lang sa kulungan sa kasong droga dahil sa plea bargaining scheme.

Hinala ng pulisya na posibleng motibo ng pagpatay sa mga biktima ay may ugnayan sa droga na posibleng sinet-up ang dalawa ng drug syndicate sa lugar para patayin.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso upang matukoy kung droga ang motibo sa pagpatay o personal.

Show comments