MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang ABC President at ex-officio board member ng lalawigan ng Bulacan at drayber nito sa naganap na ambush, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Ligas, Malolos City, Bulacan.
Ang nasawing biktima ay kinilalang si Bulacan ABC President at ex-officio board member Ramilito Capistrano, 55, kasalukuyang chairman ng Brgy. Caingin at drayber nito na si Shedrick Suarez.
Sa imbestigasyon, alas-6:00 ng gabi ay pauwi na ang mga biktima sakay ng Mitsubishi Montero galing sa sesyon sa Sangguniang Panlalawigan nang paulanan ng bala ang kanilang sasakyan.
Bumangga ang kanilang sasakyan sa isang junk shop at doon ay muli silang pinaulanan ng bala ng mga suspek.
Sinasabing may dalawa pang kasama ang dalawang biktima na himalang nakatakas matapos na tumalon mula sa likuran ng sasakyan nang bumangga ito sa nasabing junkshop.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, mahigit sa isa ang suspek na tinitingnan ngayon ng PNP sa pagpatay kina Capistrano at Suarez na kung saan ay mayroon nang magandang lead na sinusundan ang pulisya.
Lahat na rin ng anggulo ay tinitingnan ngayon ng PNP kabilang ang pagiging board member nito, personal grudge o kaya naman ay may kinalaman sa kaniyang negosyo.
Nabatid na nasa ikatlong termino na sa pagiging kapitan ng barangay si Capistrano habang ikalawang termino na nito sa pagiging ex-officio member ng Sangguniang Panlalawigan. Napag-alaman din na mayroong trucking business si Capistrano sa Bulacan.