MANILA, Philippines — Isang magkapatid na paslit ang nasawi nang malunod sa ilog sa Antipolo City, Rizal, kamakalawa.
Ang mga biktima ay kinilala lang sa mga alyas na ‘Mike’ 6, at ‘Kel,’ 5, kapwa kindergarten pupils at residente ng Sitio Apia, Brgy. Calawis.
Sa ulat ng Antipolo City Police, alas-4:00 ng hapon nang madiskubre ang pagkalunod ng mga biktima sa Sitio Apia River.
Sa salaysay ng mga magulang ng mga biktima, nagulat na lang sila nang impormahan sila hinggil sa pagkalunod ng kanilang mga anak.
Anang mga magulang ng mga biktima, lingid sa kanilang kaalaman ay lumalim ang ilog sa lugar dahil sa ginagawang paghuhukay ng lupa doon upang ipantambak sa kalsada.