Ginang may utang na P400 sa upa, pinatay

Sa ulat, alas-6:00 ng umaga ay nagwawalis ang biktima sa kahabaan ng Kagawad Road kanto Roadman Street, Brgy Batasan Hills, Quezon City nang bigla na lamang lapitan ng suspek at walang kaabug-abog na pinagsasaksak.
STAR / File

MANILA, Philippines — Inatado nang saksak ang isang 43-anyos na ginang na dati nitong landlord dahil sa hindi nito pagbabayad na kulang na P400 sa inuupahang bahay, naganap kahapon ng umaga sa Quezon City.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Catherine Ramirez Madrid, street sweeper, residente ng Sitio San Gabriel, Brgy Batasan Hills, Quezon City.

Agad na naaresto ang suspek na si Guillermo Pialago Agravante, Sr. 76, biyudo, ng 21-D Area Talanay, Brgy. Batasan Hills, Quezon City at nasa kustodiya na ng Quezon City Police District -Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU).

Sa ulat, alas-6:00 ng umaga ay nagwawalis ang biktima sa kahabaan ng Kagawad Road kanto Roadman Street, Brgy Batasan Hills, Quezon City nang bigla na lamang lapitan ng suspek at walang kaabug-abog na pinagsasaksak.

Agad na tumakas ang suspek dala ang patalim na ginamit.

Lumilitaw sa imbestigasyon na dating nangu­ngupahan ang biktima kasama ang live in partner na si Jonathan Meneses Cajuto sa pinauupahang bahay ni Agravante na kung saan ay may naiwang utang na P400 ang biktima na paulit ulit na sinisingil ng suspek.

Ayon sa pulisya posibleng ikinagalit ng suspek ang hindi pagbabayad ng biktima ng utang. Nada­kip ang suspek sa follow-up operation at kinasuhan ng murder.

Show comments