MANILA, Philippines — Tatlong katao na kinabibilangan ng dalawang babae ang nasawi matapos madaganan ng isang trak sa kahabaan ng national highway sa bahagi ng Barangay Banggot, Bambang, Nueva Vizcaya kahapon ng madaling araw.
Ang mga nasawing biktima ay kinilalang sina Russel Orena, 26; Fergielyn Blance, kapwa residente ng Barangay Calaocan, Bambang at Suena Bation, residente ng Barangay Abian sa nabanggit din na bayan.
Ayon kay Maj Frederick Ferrer, hepe ng Bambang PNP, sakay sa isang MIO 125 na motorsiklo ang tatlong biktima nang madaganan sila ng dump trak matapos mawalan ng kontrol ang driver sa manibela sa pababang bahagi ng kalsada.
Napag-alaman na patungo sa bayan ng Echague sa Isabela ang trak na puno ng feeds na minamaneho ni John Paul Paule, 32, ng Lubao, Pampanga nang magka-aberya na naging sanhi para matumba at mabagsakan ang mga biktima na nasa outer layer ng kalsada.
Ayon kay Ferrer, ipapasuri ng PNP sa mga mekaniko kung totoong nawalan ng hangin ang preno ng dump trak.
Inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property sa driver ng dump trak na ngayon ay nasa kustodiya ng PNP.