MANILA, Philippines — Kahit pa hindi na payagang makatakbo bilang Chief Minister ng Sulu sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay masaya at tanggap ni Sulu Gov. Abdusakur Tan ang desisyon kamakailan ng Supreme Court (SC) na nag-aalis sa Sulu sa BARMM.
Matatandaang sa desisyon ng SC, sinang-yunan nito ang validity ng BARMM organic law at bukod dito, inaalis na rin ang Sulu sa rehiyon at ibinalik na ito sa pamumuno ng national government.
Si Gov. Tan ay nag-anunsyo na kamakailan na tatakbong Chief Minister ng BARMM, pero dahil sa desisyon ng SC, pinagbabawalan na itong makatakbo sa halalan dahil siya ay tubong Sulu na hindi na sakop ngayon ng BARMM. “Kahit hindi na ako pwede tumakbo bilang Chief Minister sa BARMM ay masayang masaya pa rin kami dahil pinaboran ng Supreme Court ang petisyon namin na dapat hindi kami kasali sa BARMM,” ayon kay Gov. Tan.
Idinagdag pa ni Tan ang namuno noon sa petition sa SC para tutulan ang pagsama ng Sulu sa BARMM na “ngayong hiwalay na kami (sa BARMM) ay umaasa kami sa national government na gaganda na ang development sa Sulu lalong lalo na ang health services”.
Umaasa rin si Tan na gaganda na rin ang kalidad ng edukasyon sa Sulu na matagal napabayaan simula nang mapasama sila sa BARMM tulad ng kakulangan ng mga guro at classroom.