MANILA, Philippines — Umabot na sa 20 katao ang naitalang patay sa pananalasa ng bagyong Enteng mula sa mga lugar na tinamaan nito sa bansa, base sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon.
Ayon sa NDRRMC, bukod sa mga nasawi, 18 katao ang nasugatan sa bagyo habang 26 pa ang patuloy na pinaghahanap kabilang ang ilang mangingisda na pumalaot at inabutan ng sama ng panahon sa karagatan.
Sa tala, nasa 675, 428 pamilya o 2,394,169 indibidwal ang naapektuhan ng bagyong Enteng. Nasa 7,046 kabahayan naman ang napinsala sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region (CAR), Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas at CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
Samantala, P657,981,684 na halaga naman ng produksiyon sa sektor ng agrikultura ang napinsala habang P675,256,168 na halaga sa imprastraktura dulot ng bagyong Enteng.
Naitala naman sa 171 mga kalsada at 32 tulay ang naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Enteng.