MANILA, Philippines — Sumailalim na sa Receipt of Custody sa Senado si Sheila Guo, ang kapatid ni Ex-Bamban Mayor Alice Guo.
Dumating si Guo sa Senado pasado alas-12:30 ng tanghali kung saan sinalubong ito ng mga tauhan ng Office of the Sgt. at Arms ng Senado.
Ayon kay Senate Sgt. at Arms Ret. Gen. Roberto Ancan, kasalukuyang sumasailalim sa inventory at medical check-up si Guo para matiyak na nasa maayos na kalusugan ito.
Paliwanag pa ni Ancan na walang gadget na dala si Guo at tanging cellphone lang ng senado ang maari nitong gamitin kung kailangan nitong makausap ang kanyang mga abogado o sino mang kaanak nito.
Samantala nasa kustodiya naman ng Kamara si Cassandra Li Ong na dumating alas-12:21 ng hapon kasama ang NBI na agad idineretso sa detention facility ng House of Representatives kung saan siya mananatili ng 30 araw.
Magugunita na Agosto 7 nang ipa-contempt ng House Committee on Public Order and Safety si Ong dahil sa hindi pagsipot sa mga isinasagawa nitong pagdinig kaugnay sa iligal na POGO.
Si Ong ang sinasabing incorporator ng POGO hub na Lucky South 99 at malapit kay dating Mayor Guo.