MANILA, Philippines — Isinugod sa pagamutan ang nasa 17 katao matapos makaramdam ng iba’t ibang sintomas nang makalanghap ng umano’y pagtagas ng chemical substance mula sa junk shop sa South Point, Brgy. Banaybanay, Cabuyao City, Laguna noong Martes ng hapon.
Ayon sa Cabuyao CDRRMO, nakaramdam ng pagkahilo at nahirapang huminga ang mga biktima matapos sumingaw ang kemikal kaya agad isinugod ang mga ito sa iba’t ibang ospital.
Base sa report, nagsasagawa ng general cleaning ang mga tauhan ng Izbanda scrap trading at inililipat ng lugar ang isang nasa 4 feet na cylinder tank nang bigla itong sumingaw at lumabas ang yellowish-green na kemikal na may masangsang na amoy.
Agad lumayo ang mga trabahador, ang iba pang mga malapit sa lugar, subalit nakaramdam pa rin ng sintomas ang mga ito.
Sa patuloy na pagresponde ng mga tauhan ng BFP kasama ang Cabuyao City PNP, CDRRMO, responder group na ALERT, Banaybanay Fire Brigade, CENRO, OBO at POSO napigil ang pagkalat ng kemikal at agad ding sinecure ang area.
Hinihinala ng mga otoridad na chlorine based substance ang sumingaw na kemikal.Nasa maayos na kondisyon na ang mga biktima.