Simula Agosto 14-16…
MANILA, Philippines — Muling mangangalampag sa pamahalaan ang grupong Manibela sa kanilang ikakasang tigil-pasada mula Agosto 14 hanggang Agosto 16.
Ito ay kasunod nang deklarasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na ituloy ang patuloy na pinagtatalunang Public Transport Modernization Program (PTMP).
Ayon kay MANIBELA President Mar Valbuena, malabo ang naging pahayag ni PBBM at hindi aniya nito binasa ang resolusyong inihain ng Senado dahil tila hindi nito alam ang dahilan kung bakit nais ng mataas na kapulungang suspendihin ang programa.
Dagdag pa niya, kung wala pa ring mangyayaring malinaw na dayalogo sa pagitan ng kanilang grupo at ng mga kaukulang ahensya, hindi na sila mapipigilan sa planong protesta.
Matatandaang kamakailan ay nagpalabas ang Senado ng resolusyon na nagrerekomenda sa temporary suspension ng PUVMP na tinututulan naman ng mga transport cooperatives na tumalima sa programa.
Hindi rin naman pinaboran ng pangulo ang resolusyon na nilagdaan ng 22 senador, at sa halip ay nanindigan sa kanyang suporta sa naturang modernization program, na mas kilala na ngayon sa tawag na Public Transport Modernization Program (PTMP).