CA, pina-freeze bank accounts, properties ni Quiboloy

MANILA, Philippines — Isailalim sa freeze order ang pera sa bangko at mga ari-arian ni Kingdom of Jesus Christ Leader Pastor Apollo C. Quiboloy at siyam na associates nito batay sa kautusan ng Court of Appeals (CA).

Sa 48 pahinang resolusyon, pinayagan ng CA ang petisyon ng Anti Money Laundering Council (AMLC).

 Sa kautusan ng CA, hindi rin maaaring galawin ay ang pera ng Children’s Joy Foundation, isang organisasyon na nasa loob ng compound ng KOJC sa Davao City.

Sakop din ng freeze order ang 10 bank accounts na nakapangalan kay Quiboloy, pitong real properties, limang motor vehicles at isang aircraft na pagma-may-ari ng KOJC, gayundin ang 47 iba pang bank accounts, 16 real properties at 16 motor vehicles ng KOJC at broadcast arm nito na Sonshine Media Network Inc.

Kasama rin dito ang mga bank account ng mga indibidwal na kaalyado ni Pastor Quiboloy na sina Maria Teresita Dandan, Helen Pagaduan Panilag, Paulene Chavez Canada, Cresente Chavez Canada, Ingrid Chavez Canada, Sylvia Calija Cemañes, Jackielyn Wong Roy, Alona Mertalla Santan­der, at Marlon Bongas Acobo.

Layon nito na maiwasan na ma-withdraw, mailipat o maitago sa batas ang mga pondo na kinukwestiyon at mananatili ang freeze order ng 20 araw batay sa kahilingan ng AMLC.

Matatandaang si Quiboloy ay kasalukuyang pinaghahanap ng mga otoridad dahil sa mga kinakaharap na kasong paglabag sa Republic Act 7610 o the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act at Republic Act 9208 o Qualified Human Trafficking.

Show comments