Public schools normal na ang operasyon - DepEd

Students attend their classes after their holiday break at Araullo High School in Manila on January 4, 2024.
STAR / Ernie Penaredondo

MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Department of Education (DepEd) na normal na ang operasyon na ang lahat ng pampublikong paaralan sa bansa.

Ayon sa DepEd, nakapagbalik-eskwela na ang lahat ng public schools nationwide at wala na ring mga paaralan pa ang ginagamit na evacuation center.

Pumalo na rin sa 24.1 milyon ang bilang ng mga estudyante na nakapagpatala para sa School Year 2024-2025.

Sa datos ng DepEd, hanggang 9:00AM ng Agosto 6 ay umaabot na sa kabuuang 24,178,797 ang bilang ng mga estudyanteng nakapagpatala para sa SY 2024-2025.

Ito ay 87.31% ng 27,693,125 total enrollees noong SY 2023-2024 at 87.22% naman ng target enrollees ngayong taon na 27,722,835.

Sa naturang bilang, 21,115,238 ang nagpatala sa public schools; 2,732,184 sa private schools; 40,914 sa state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs); at 290,461 sa Alternative Learning System (ALS).

Inaasahan naman ng DepEd na madaragdagan pa ang naturang bilang dahil patuloy anilang tatanggap ang mga paaralan ng late enrollees hanggang sa Setyembre 16, 2024. Matatandaang Hul­yo 29 nang magbukas ang eskwela sa bansa.

Show comments