2 dalagita tiklo sa higit P1 milyong shabu

MANILA, Philippines — Dalawang menor de edad na dalagita ang naaresto sa inilatag na drug buy-bust operation ng pulisya kamakalawa ng hapon sa Brgy. Panapaan, Bacoor City, Cavite.

Kinilala ng pulisya ang magkaibigang suspek sa mga alyas na Ric at Jalila, residente ng Brgy. Datu Esmael Dasmariñas City, Cavite.

Sa ulat ng pulisya, alas-4:30 ng hapon nang magkasa ng buy-bust ang Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Cavite Provincial Police Office, at Bacoor  Police laban sa mga suspek.

Bago ang operasyon, isinailalim muna sa ­ilang araw na surveillance ang mga suspek at nang magpositibo saka inilatag ang buy-bust sa Brgy. Panapaan at narekober sa mga ito ang mahigit sa 150 gramo ng shabu na aabot sa halagang P1,020,000.00.

Nasa pangangalaga ng Cavite PPO ang dalawang dalagita at nahaharap sa kasong violations of R.A. 9165, at nakatakdang i-turnover sa City Social Welfare and Development office sa Bacoor City.

Show comments