MANILA, Philippines — “Labanan ang fake news, unregulated social media at artificial intelligence.”
Ito ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga miyembro ng media sa oathtaking ng Board of Trustees ng Association of the Philippines Journalists-Samahang Plaridel Foundation Incorporated.
Giit ni Marcos, dapat matukoy ang totoong balita mula sa mga kasinungalingan.
“In this time of unregulated social media, of fake news, [and] artificial intelligence, now more than ever, we need your help in empowering our people to distinguish the truth from fiction, and facts from blatant lies,” pahayag pa ni Pangulong Marcos.
Dagdag pa ng pangulo, hindi naman maikakaila na mahalaga ang papel na ginagampanan ng media sa pagbibigay ng tamang balita at impormasyon sa taong bayan.
Umaasa naman si Marcos na ipagpapatuloy ng grupo ang pagpapanatili sa integridad ng propesyon, pagtataguyod ng press freedom, at pagbabantay sa mga kagawad ng media.
Umaasa rin si Pangulong Marcos na mananatiling patas ang media na itinuturing na ikaapat na estado ng bansa.
Kasabay nito, siniguro rin ng pangulo na nakasuporta ang administrasyon sa mga adhikain ng media at pangangalagaan ang kapakanan ng mga ito.