MANILA, Philippines — Nasagip ng Las Piñas City police ang apat na Indian nationals habang apat naman sa anim na suspek na kanila ring kalahi ang nadakip sa isinagawang rescue operation nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Las Piñas City police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla ang mga nadakip na suspek na sina alyas Ramanathan, 22; alyas Devesh, 22; alyas Sanjay, 22; at isang alyas Venkata, 21, mga estudyante at Indian nationals.
Dalawa pa sa mga suspek na sina alyas Lmahen at alyas Shivarishi ang kasalukuyang tinutugis ng pulisya.
Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), kinilala ang mga biktima na sina alyas Ven, 21; alyas Vam, 21; alyas Kal, 19; at isang alyas Sai, 22, kapwa mga Indian national at mga estudyante.
Sa ulat, alas-10:30 ng gabi nang isagawa ang rescue operation sa isang bahay na matatagpuan sa Barangay Pamplona Tres, Las Piñas City at matagumpay na nasagip ang mga biktima.
Bago ang insidenteng ito ay napag-alaman na noong nakaraang Mayo 24, 2024 ay nirentahan ng mga biktima ang Nissan Terra van ni alyas Shivarishi ngunit nasangkot ito sa aksidente sa Nasugbu, Batangas kung saan sinisingil ang mga ito ng P700,000 na danyos sa sasakyan.
Noong Hulyo 4 ay nakapagbigay naman ang mga biktima ng halagang P500,000 kay alyas Shivarishi ngunit kulang pa ito ng P200,000 at dito na idinetine ang mga biktima hanggang sa masagip sila kinabukasan ng gabi.
Napag-alaman din sa imbestigasyon na kinuha ng mga suspek ang isang iPhone 13 na nagkakahalaga ng P55,000 at ang mga ATM card ng mga biktima kung saan isinagawa ang hindi otorisadong transaksyon online na nagkakahalaga ng P120,000.
Narekober sa isinagawang operasyon ang kulay puting Hyundai Accent (DAC 2660); isang walis tambo at isang metal na pandakot na hinihinalang ginamit sa pambubugbog sa mga biktima.
Kinasuhan na ang mga naarestong suspek sa Las Piñas City Prosecutor’s Office.