MANILA, Philippines — Nagtungo kahapon sa tanggapan ni San Juan Mayor Francis Zamora si Lexter Castro, 21, ang tinaguriang “Boy Dila” na inulan ng batikos ng netizens dahil sa idinulot nitong kontrobersiya at pambabastos sa Wattah Wattah Festival noong Hunyo 24, ang kapistahan ng kanilang patron na si San Juan Bautista.
Kahapon ay iniharap sa media ni Mayor Zamora si Castro, na humingi ng patawad sa rider na kaniyang nabasa at sa mga taong naapektuhan ng kaniyang ikinilos.
Napaluha si Castro sa paghahayag ng kaniyang pangamba at hindi na niya umano kinakaya lalo’t napakaraming mga banta sa buhay niya na natatanggap kabilang ang mensaheng babarilin siya dahil naapektuhan at nadadamay din ang kaniyang pamilya.
Hinikayat niya rin ang rider na kaniyang binasa na makipagkita sa kaniya upang hingan ng tawad at magbibigay siya ng helmet at kapote bilang peace offering.
Katunayan, nag-post na rin sa kaniyang FB page si Castro na humihingi ng patawad sa kaniyang maling ginawa sa nasabing kapistahan.
Nanawagan din si Mayor Zamora at si Castro na tigilan na ang mga fake booking at fake deliveries.