MANILA, Philippines — Tatlong hinihinalang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ng New People’s Army (NPA) ang napatay ng mga sundalo sa isang engkwentro sa bayan ng Tuy, Batangas, kamakalawa.
Sa report ng Tuy Municipal Police Station, sumiklab ang engkwentro sa Sitio Maligas, Barangay Acle sa pagitan ng mga tropa ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army at hindi pa malamang dami ng mga rebelde bandang alas-6:30 ng umaga.
Namatay noon din ang dalawang lalaki at isang babae na rebelde kung saan narekober ang tatlong matataas na kalibre ng baril.
Inalarma ang Tuy Police station para magsagawa ng dragnet operation laban sa mga tumatakas na mga rebelde. — Ed Amoroso, Joy Cantos