MANILA, Philippines — Bilang pakikibahagi ng Pilipinas sa United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities (UNCRPD) ay idineklara ng Malacañang ang July 17-23 kada taon bilang National Disability Rights Week.
Sa proclamation No. 597 na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ay inatasan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang National Council on Disability Affairs (NCDA) na pangunahan ang koordinasyon at pangangasiwa sa National Disability Rights Week.
Inatasan din ng Malacañang ang NCDA na tukuyin ang mga programa at aktibidad para sa selebrasyon.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang Pilipinas ay patuloy na tumutugon sa adhikain ng United Nations para isulong, protektahan at tiyaking natatamasa ng mga may kapansanan ang kanilang karapatan at pagrespeto sa kanilang dignidad.
Sa paglagda sa proklamasyon, binigyang-diin ng Malacañang ang pangangailangan na amiyendahan ang Proclamations No. 1870 na nagdedeklarang tuwing ikatlong linggo ng July ang National Disability Prevention and Rehabilitation week, habang ang Proclamation 361 na nagdeklara sa July 23 bilang pagtatapos ng aktibidad, upang maging angkop sa adhikain ng UNCPRD.