MANILA, Philippines — Muling nagkasa ng tatlong araw na tigil-pasada ang transport group na Manibela mula Hunyo 10 hanggang 12 bilang protesta sa isinasagawang paghuli sa mga public utility jeepneys (PUJs) na hindi nakapag-consolidate ng prangkisa sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Matatandaang sinisimulan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paghuli sa mga PUJs na binawian ng prangkisa matapos na mabigong mag-consolidate sa kooperatiba o korporasyon noong April 30 deadline.
Bukod sa tigil-pasada, magdaraos din umano ang grupo ng kilos-protesta sa harapan ng tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Una na rin namang tiniyak ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na may sapat na jeepney na bumibiyahe sa bansa dahil 80% ng mga PUV operators at drivers ay nakatalima naman sa konsolidasyon.
Ang konsolidasyon ng prangkisa ay unang bahagi ng PUVMP at mahigpit na tinututulan ng ilang transport groups.