MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang security guard nang maaresto ng mga pulis makaraang pasukin at pagnakawan umano nito ang isang apartelle at habang tumatakas ay nasaktan din nito ang 16-anyos na babae sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Nasa kustodya na ng Police Station 4 ang suspek na si Lynard, 39 anyos.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-9:40 ng gabi nitong Huwebes nang pasukin umano ni Singco ang Gulod Apartelle sa Quirino Highway, Brgy. Gulod, Novaliches sabay tutok ng kutsilyo sa kahera at kinuha ang cellphone nito.
Sa kanyang pagtakas, nabangga ni Singco ang isang dalagita na bumagsak sa kalsada sanhi ng pagkasugat nito.
Dahil naman sa komosyon, agad na rumesponde ang mga nagpapatrolyang pulis kaya nadakip ang suspek at narekober sa kanya ang cellphone ng kahera na nagkakahalaga ng P7,000 at isang kutsilyo.