MANILA, Philippines — Isama sa libreng diagnostic package nito ang prerequisite tests para sa mga pinaghihinalaang nahawa ng tuberculosis.
Ito ang hihilingin ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at misis nitong si Tingog Partylist Rep. Yedda K. Romualdez sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ang pahayag ay ginawa sa isang health caravan na inorganisa ni Rep. Yedda at House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin kung saan nasa 1,000 magsasaka at mangingisda sa Iloilo City ang binigyan ng mga gamot, check-up at laboratory test gaya ng basic x-ray, bloodwork at iba pa.
Sinabi ni Speaker Romualdez na kanilang kakausapin si PhilHealth President Emmanuel Ledesma upang isama sa libreng Konsulta package ang prerequisite test para sa suspected TB carriers.
“Ang nangyayari, hindi sila nabibigyan ng gamot kasi hindi nila mapa-test kung puwedeng tumanggap ng gamot ang kanilang kidneys at liver, tapos nakakapanghawa pa ng kapamilya o kapitbahay,” ani Speaker Romualdez.
Sinabi ni Rep.Yedda, isang registered nurse, na dapat isama ng PhilHealth sa Konsulta package nito ang creatinine at SGPT/SGOT tests, na ayon kay Garin, isang doktor, ay kailangan ng mga pinaghihinalaang TB carriers. Hiniling ng mag-asawang Romualdez at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo sa PhilHealth na gawing libre ang mammogram at ultrasounds para sa mga babaeng pinaghihinalaang may breast cancer.