Mga nagpapakalat ng pekeng video ni Pangulong Marcos, kakasuhan

MANILA, Philippines — May gagawing legal na hakbang ang Palasyo ng Malacañang laban sa mga nagpapakalat ng deep fake videos na nagsasabing inuutusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na atakihin ang isang bansa kahit na natanggal na sa social media ang mga pekeng post.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Assistant Secretary Patricia Kayle Martin na nakipag-ugnayan na sila sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Security Council (NSC) para magsagawa ng imbestigasyon.

Sinabi ni Martin na base sa inisyal na imbestigasyon ng DICT, isang dayuhang aktor ang nasa likod ng deep fake videos.

Bagama’t hindi na anya nagulat si Pangulong Marcos, hindi dapat na ipagwalang-bahala ang pekeng posts dahil nakaaalarma ito sa posibilidad na masira ang relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa.

Kasabay nito, hinikayat ng PCO ang publiko na maging mapanuri at mag-ingat sa mga pekeng balita.

Show comments