MANILA, Philippines — Tatlong miyembro ng Daulah Islamiyah-Maute terrorist group ang napatay habang isang sundalo ang sugatan sa isang sagupaan sa liblib na bahagi ng Brgy. Lindongan, Munai, Lanao del Norte, kamakalawa.
Kinilala ang mga napatay na terorista na sina Nezrin Sandab, alyas Firdaus; Saipal Abubacar alyas Fariz at Pabo Zainoden Radia, alyas Musab.
Sa ulat ni AFP-Westmincom Chief Lt. Gen. William Gonzales, kasalukuyang nagsasagawa ng combat operation ang mga sundalo nang masabat ang grupo ng mga terorista na nauwi sa bakbakan.
Tumagal ng 20 minuto ang palitan ng putok hanggang sa mapilitang magsiatras ang mga kalaban na naghiwahiwalay ng direksiyon sa kagubatan at inabandona ang tatlo nilang kasama na napatay habang isang sundalo ang nasugatan.
Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang bangkay ng tatlong terorista at tatlong M14 files, isang 7.62 MM ammunition, anim na backpacks sa isinagawang clearing operation sa encounter site.