Mayorya ng Pinoy pabor sa pag-alis ng foreign investment restrictions

MANILA, Philippines — Upang makatugon sa pamantayan ng mundo at makuha ang oportunidad sa paglago ng ekonomiya ay iginiit ng mga eksperto ang pangangailangan na maging business-friendly ang Pilipinas at iprayoridad ang pag-amyenda sa 1987 Constitution.

Ginawa ng mga eksperto ang pahayag matapos lumabas ang resulta ng Pulse Asia survey na kinomisyon ng Stratbase Institute kung saan ma­yorya ng mga Pilipino ang pumabor sa pagtanggal ng constitutional barrier sa pagnenegosyo ng mga dayuhan sa bansa.

Para kay Foundation for Economic Freedom (FEF) board member Gary Teves, dapat bilisan ang pag-amyenda sa Konstitusyon dahil maraming mamumuhunan ang nag­hahanap ng bansa kung saan sila magnenegosyo.

Iginiit din ni Trade Advisors CEO Tony Abad ang pangangailangan na maamyendahan ang Saligang Batas upang pumasok ang mga mamumuhunan na napipigilan dahil sa outdated legal framework ng bansa.

Ayon kay Stratbase Institute president Dindo Manhit, mahalaga ang pamumuhunan sa pagdami ng produksyon, paglikha ng mapapasukang trabaho at mapaangat ang ekonomiya ng bansa.

Upang pumasok ang mga dayuhang pamumuhunan, sinabi ni Manhit na dapat ay maging market-friendly ang mga polisiya ng bansa bukod sa pagkakaroon ng transparent at maayos na pamamahala.

Batay sa resulta ng Pulse Asia na isinagawa noong Marso 6 hanggang 10, nakararaming Pilipino ang naniniwala na ang pag-alis ng restrictive economic provisions sa pamumuhunan ng mga dayuhan ay makabubuti sa bansa.

Lumabas sa survey na 64% ng mga respondent ang nakikitang darami ang de kalidad na trabaho na mayroong maayos na suweldo at benepisyo, samantalang 56% ang naniniwala na gaganda ang serbisyo kapag pumasok ang mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.

Show comments