MANILA, Philippines — Hinirit ng top transport group sa Kongreso na panatilihin ang 45,000 motorcycle taxi cap sa Metro Manila.
Ayon kay Ariel Lim, National President ng NACTODAP, mas magiging malala ang trapiko kung dadagdagan pa ang mga motorcycle taxi at maapektuhan ang kaligtasan at pagiging epektibo ng public transportation.
Nagpahayag din ng kaparehong pagtutol ang ibat ibang transport group gaya ng Pasang Masda, NPTC, LTOP, at iba pa hinggil sa pagpapanatili sa 45K MC Taxi cap.
Sinabi naman ni Jun De Leon ng Public Transport Coalition na maaapektuhan din ang kita ng mga driver kapag dinagdagan pa ang mga pampasaherong sasakyan sa bansa lalo na sa Metro Manila.
Ipinaabot ng grupo kasama si Vice Chair Joel Chua ng Metro Manila Development Committee sa House of Representatives ang panawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. maging sa Department of Transportation na gawing prayoridad ang sustainable expansion sa labas ng Metro Manila.
Sa ganitong paraan, sinabi ng grupo na mababalanse ang pagbibigay serbisyo ng transportasyon sa publiko.