MANILA, Philippines — Nasa 1 milyon doses ng Pertussis vaccine ang inaasahang darating sa bansa sa Hunyo 2024, ayon sa Department of Health (DOH) kahapon.
“Wala kaming percent, subalit ang nasa inventory namin ay nakapagbigay ang DOH sa Quezon City ng 1,500 doses at ito ay magagamit nila at habang hinihintay ‘yung supply na baka sa June pa dumating,” ani DOH Spokesperson Dr. Eric Tayag.
Ito’y upang malabanan aniya, ang sakit na tumataas na ang bilang sa ilang lugar, kasunod ng pagdeklara ng Quezon City government ng outbreak.
“Yung binibigay naming bakuna ay hindi naman single dose, pero multi-dose ‘yun,” aniya.
Aminado si Tayag na hindi naman sapat ang 1 million doses para sa pangangailangan ng bansa na nasa 1.9 M at 2.1 million doses ng pertussis vaccine kada taon para masiguro na lahat ng mga bagong silang na sanggol ay mabigyan ng bakuna.
Pinayuhan niya ang publiko na maging maingat lalo na ang mga walang bakunang mga sanggol dahil mabilis silang mahawaan.
Nasa 35 na aniya, ang naiulat na namatay sa sakit at tumataas pa ang bilang.