MANILA, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang supervisor ng isang pabrika ng goma ng isang 75-anyos na retiradadong factory worker dahil sa hindi umano pagbabayad nito ng kanyang utang sa lungsod ng Valenzuela kamakalawa.
Sa ulat na tinanggap ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr., alas-9:10 ng umaga nang harangin ng suspect na si alyas Fredo ng Brgy. Lingunan na nakasakay sa isang asul na motorsiklo ang bisikletang sinasakyan ng biktimang si alyas “Cesar”, 56, ng Brgy. Panghulo, Malabon City sa panulukan ng South at Central Road, Raminel Subdivision, Brgy. Veinte Reales ng lungsod.
Ayon sa imbestigasyon, sinisingil ng matanda ang nasabing bisor sa umano’y matagal ng pagkakautang sa kaniya pero nagmatigas pa umanong magbayad ng atraso ang nasabing supervisor at pinasalitaan pa siya ng masasakit.
Dito nagdailim ang isip ng suspek at agad na pinagbabaril ng cal. 38 ang biktima na tinamaan ng mga bala sa dibdib, kanang braso at kaliwang balikat sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Tumakas ang suspek subalit makalipas ang ilang oras, pinuntahan niya si Chairman Jose Cabral ng Brgy. Lingunan at nagpatulong para sumurender kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian bitbit ang cal .38 revolver na may laman pang tatlong bala.
Matapos makatanggap ng tawag, personal na pinuntahan ni Mayor Gatchalian kasama sina P/Maj. Jose Hizon, Assistant Chief of Police for Operation, at P/Lt Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit, ang suspect habang nasa Brgy. Hall at sumuko.