MANILA, Philippines — Ganap nang batas ang Philippine Salt Industry Development Act matapos itong pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na layuning mapalakas at muling buhayin ang industriya ng asin sa bansa.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang bagong batas ay bahagi ng adhikain ng gobyerno na mailarga ang pag-unlad sa mga kanayunan at mapalakas ang kita ng mga maliliit na negosyo.
Ang bagong batas ay pinirmahan ng Presidente nitong March 11, 2024 kung saan magbibigay ng angkop na teknolohiya ang gobyerno sa mga gumagawa ng asin, kasama na rito ang pinansiyal, produksiyon, marketing at iba pang tulong upang maiangat ang industriya ng asin sa bansa.
Kasama sa target ng gobyerno na maging exporter ng asin ang Pilipinas sa ibang bansa.
Magkakaroon ng Philippine Salt Industry Development Roadmap upang masigurong maabot ang layunin ng batas at naaayon sa layunin at patuloy na implementasyon ng Republic Act 8172, o an Act for Salt Iodization Nationwide (ASIN).
Sa ilalim ng bagong batas, itatatag ang “Salt Council” upang masiguro ang nagkakaisa at integrated implementation ng salt roadmap at mapabilis ang modernisasyon at industriyalisasyon ng Philippine salt industry na pamumunuan ng Department of Agriculture.