MANILA, Philippines — Posibleng ngayong Marso na mapagtibay ang P500 discount ng mga senior citizens at mga person with disability (PWDs) sa mga grocery store at supermarkets na pinamamadali ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ito ay matapos na maghain ng panukala si Ways and Means Chairman at Bicol Representative Joey Salceda na gawing P125 kada linggo o P500 kada buwan ang discount ng mga sektor na ito.
Sa kasalukuyan kasi ay nasa P65 kada linggo lang ang discount ng mga seniors at PWDs o P260 sa isang buwan sa mga pinamili na grocery items nila.
Ayon kay Speaker Romualdez, “kaya itong gawin agad kahit next month dahil isang memorandum circular lang naman ng Department of Trade and Industry o DTI ang kailangan para ibaba sa lahat ng grocery stores at supermarkets”.
Sinabi naman ni DTI Asec. Amanda Nograles na inaayos na nila ang isang Inter-Agency Committee circular para maisakatuparan agad ang kagustuhan ng house leader na P500 discount kada buwan sa grocery items ng senior citizens at PWDs.
Bukod kasi sa DTI kabilang sa inter-agency committee na ito ay ang Department of Health (DOH), Department of Agriculture (DA), Department of Transportation (DOTr) at Department of Energy (DOE).
Idinagdag pa ni Romauladez, “Aside sa P125 discount, pinatitingnan ko na rin kay Cong. Salceda kung ano pa ang pwedeng maibibigay na tulong sa mga seniors at PWDs natin na kakarampot lang naman ang pensyon ng karamihan”, ayon sa lider ng house.”