MANILA, Philippines — Hindi na dapat dagdagan pa ang tatlong accredited motorcycle taxi na inotorisahan ng Motorcycle Taxi Technical Working Group (MC Taxi TWG) na pinamumunuan ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz kasama ang Transportation Office (LTO) at Metro Manila Development Authority (MMDA) para sumalang sa pilot testing ng motorcycle taxi.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, National President ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), hindi na dapat dagdagan pa ang tatlong MC taxi na sasalang sa pilot testing dahil hindi pa natatapos ang pag-aaral hinggil dito ng MC Taxi TWG.
Ani Inton, mas mainam na umusad muna ang pagsasabatas ng Kongreso ang motorcycle taxi operation bago dagdagan ng TWG ang accredited MC taxi companies sa bansa.
Tanging ang Angkas, Joyride at Move It ang accredited at pinayagan ng MC Taxi TWG para sa pilot testing na pawang APP Based Motorcycle taxis.
Niliwanag din ni Inton na hindi otorisado ng MC taxi TWG ang Grab para makiisa sa pilot implementation study o mag-operate bilang isang motorcycle taxi service dahil ang Move It ay pagmamay-ari na ng Grab.
Binigyang diin pa ni Inton na pinapalagan ng LCSP, hindi lamang ng mga accredited MC taxi kundi maging ang ilang transport denomination tulad ng taxi, tricycle at UV express ay tutol na dagdagan pa ang tatlong accredited MC taxi companies dahil malaki na ang epekto nito sa kanilang hanapbuhay dahil sa nababawasan ang kanilang pasahero na nagreresulta sa mahinang kita ng kanilang pasada.