13-anyos dalagita, pinatay ang manyakis na ama!

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-2 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa bahay ng mag-ama sa nasabing barangay.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Patay ang isang ama matapos barilin sa ulo ng 13-anyos na dalagitang anak dahil sa umano’y paulit-ulit na pangmomolestya sa kanya, ka­makalawa ng hapon sa Brgy. Pinagkaisahan, Cuenca, Batangas.

Kinilala ng Cuenca Police ang biktima na si Nonilo Montealto Lunar, 48-anyos, at residente sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-2 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa bahay ng mag-ama sa nasabing barangay.

Ayon sa biktimng iti­nago sa pangalang Abby, high school student, nagawa umano niyang patayin ang sariling ama dahil sa hindi na niya makayanan ang paulit-ulit na pang-aabusong seksuwal sa kanya. Kahit na umano nagmamakaawa siya sa ama na huwag siyang molestyahin ay hindi siya pinakinggan bagkus patuloy ang ginagawa umanong kababuyan sa kanya ng sariling ama.

Nabatid na kinuha ng biktima ang baril ng kanyang ama na Colt caliber .45 pistol na may serial number M02082 at binaril nito sa ulo ang ama habang natutulog.

Matapos barilin ang tatay, tumakas ang anak subalit agad na naaresto ng pulisya sa isinagawang follow-up operation.

Sasailalim sa paraffin test ang dalagita at ang sinasabing boyfriend nito na sa alias “Clint” na nagsisilbing “person of inte­rest” dahil hinihinalang kasabwat sa pagpatay sa biktima.

Show comments