MANILA, Philippines — Naka-heightened alert ang Kamara matapos makatanggap ng mga banta sa seguridad.
Ayon kay House Secretary Gen. Reginald Velasco, sinabi nito na nakatanggap ng mga pagbabanta ang ilan sa miyembro ng Kamara.
Bagama’t hindi na pinangalanan kung sino ang mga ito at kung ano ang banta na natanggap, kinumpirma ng opisyal na isa sa mga ito ay bantang pagpapasabog sa Batasang Pambansa.
Kaya kagyat aniya siyang nakipag-usap sa House Sergeant at Arms, para maghigpit ng seguridad. Itinaas ang heightened alert noon pa aniyang Biyernes.
Maliban sa dagdag na security personnel ay maghihigpit din aniya sila sa mga motorsiklo.
Ngayon ay hanggang sa gate na lamang ang mga motor lalo na ang mga delivery.
Bawal na rin ang mga motorsiklo na mag-park o tumambay sa tapat ng anumang gusali sa loob ng Batasan Complex.
Isa kasi aniya sa napansin ng security ang paikut-ikot na motorsiklo sa bisinidad ng Kamara.
Mananatili aniya ang heightened security status hanggang sa magdesisyon ang House leadership na humupa na ang banta.
Maliban naman sa naturang banta ay mayroon din aniyang mga attempt sa cybersecurity ng Kamara.
Magugunita na noong Nobyembre 2017 ay niyanig ng malakas na pagsabog ang harapan ng south wing na ikinasawi ng tatlo katao kabilang ang umano’y target na si Basilan Rep. Wahab Akbar habang pito pa ang nasugatan kabilang ang 2 Kongresista.