Mag-asawang trader natagpuang patay

Kapwa nakagapos

MANILA, Philippines — Kapwa natagpuang patay ang isang mag-asawang negosyante sa silid ng kanilang bahay sa Brgy. Darasa, Tanauan City, Batangas, nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ang mag-asawang nasawi na sina Allen John Umali, 38 at Khegzy, 36, na nasa shuttle service transport business at industrial company.

Sa salaysay ni Rha­ziel Badillo, alas-7:20 ng umaga nang madiskubre niya ang bangkay ng kapatid na si Khegzy sa silid nilang mag-asawa sa kanilang bahay sa Ciudad Victoria Homes.

Ayon kay Badillo na pinuntahan niya ang bahay ng mag-asawa matapos hindi umano sumasagot sa kanyang text at tawag ng kapatid na si Khegzy simula noong Biyernes.

Sinabi na ang pulisya na kapwa nakatali ng duct tape ang mga kamay ng mag-asawa na kung saan ang kapwa may tama ng bala sa leeg at nakita ang isang caliber. 9mm gun malapit sa ulo ni Allen.

Sa imbestigasyon din ng pulisya na hindi puwersahang pinasok ang bahay ng mag-asawa at hindi rin nawawala ang kanilang mga cellphones, cash money, alahas at iba pang mahahalagang bagay.

Wala rin senyales na nagkaroon ng gulo sa loob ng silid ng mag-asawa na kung saan nakahiga ang babae sa kama na katabi ang mister.

Patuloy ang pag-ve­rify ng pulisya sa natanggap na impormasyon sa kaanak ng mag-asawa na ang mga ito ay matagal nang may problema sa kanilang relasyon matapos na madiskubre ng babae na ang kanyang mister ay may ibang umanong karelasyon.

Inaantay pa ng pulisya ang resulta ng isinagawang pagsusuri sa bangkay ng mag-asawa ng forensic unit personnel.

Sa teorya ng pulisya na posibleng binaril muna ng lalaki ang kanyang misis bago ito nagbaril sa sarili.

Show comments