MANILA, Philippines — Pinagtibay ng Supreme Court ang hatol na guilty at makulong mula 14 hanggang 20 taon ang isang lalaki na hindi nakatiis at itinaas ang palda ng 16-anyos na dalagita para hawakan ang puwet nito.
Sa desisyon ng SC Second Division na pinonente ni Associate Justice Antonio Kho Jr., sinang-ayunan nila ang naunang desisyon ng mababang korte laban sa akusado sa kasong paglabag sa Article III, Section 5(b) ng Republic Act No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Ayon sa korte, naging malinaw ang pagsalaysay ng 16-anyos na biktima sa paglilis ng akusado sa kaniyang palda at paghawak sa kaniyang puwet na malinaw na nagpapakita umano ng “lascivious conduct”.
Dahil dito, hinatulan ng korte ang akusado ng reclusion temporal o pagkakulong mula 14-taon at walong buwan bilang pinakamababa, hanggang 20 taon na pinakamataas.
Bukod dito, pinagbabayad rin ang akusado ng mga multa na aabot sa P150,000 at interes na 6% kada taon.
Pinalagan ng akusado ang hatol laban sa kaniya na iginiit ng kaniyang kampo na napakabigat na parusa kumpara sa antas ng krimen na kaniyang nagawa. Ngunit sinabi ng SC na “unmindful” o hindi nila iniintindi ang reklamo na akma ang parusa laban sa akusado.
Iginiit nila sa desisyon na may tungkulin sila na ipatupad ang isinasaad ng batas sa buong puwersa nito.
Sa kabila nito, idudulog ng SC sa Office of the President sa pamamagitan ng Department of Justice (DOJ) ang kaso para sa pag-aaral sa konsiderasyon para mapababa ang parusa.