MANILA, Philippines — Itinanggi ng Presidential Communications Office (PCO) sa Malacañang ang mga pahayag na gagamitin para sa charter change (Cha-cha) ang gagawing Bagong Pilipinas kick off rally ngayong Enero 28 ng hapon sa Maynila.
Sinabi ni PCO Undersecretary Gerard Baria sa isang news forum na ang nasabing aktibidad ng ehekutibo ay hindi para sa Cha-cha kundi pagpapakita lamang ng commitment sa kanilang trabaho at wala nang iba pang dahilan. “[Charter change] is within the territory of Congress; it is not part of the responsibilities of the Executive. The focus tomorrow will be specifically for Bagong Pilipinas… to communicate the government’s commitments to level up services,” ayon kay Baria.
Siniguro rin ito ni PCO director Cris Villonco at sinabing bilang nangangasiwa ng event, na hindi Cha-cha ang kanilang pakay.
“We are talking about empowering the Filipino at its very core,” giit pa niya.
Pahayag pa ni Baria na nanggugulo lamang ang mga nagsasabing ang gagawing rally ay pagkukunyari para isulong ang cha-cha.
Kaugnay nito, nilinaw ni PCO Secretary Cheloy Garafil na boluntaryo ang pagdalo ng mga empleyado ng Malakanyang ngayong araw sa Bagong Pilipinas kickoff rally sa Quirino Grandstand sa Luneta dakong alas-3 ng hapon. Naka-live stream din ito sa mga hindi makakadalo sa nasabing pagtitipon.
Ang pahayag ng Garafil ay ginawa dahil sa ilang ulat na may ilang empleyado ng gobyerno ang pinadadalo sa naturang aktibidad.
Nabatid na pangunguhan ng First Family ang naturang pagtitipon kung saan inaasahan na 200,000 katao ang dadalo rito kabilang ang mga government officials, mga artista at iba pang mga personalidad.