MANILA, Philippines — Upang matiyak ang seguridad ng mga deboto, nasa 1,600 tauhan ng Manila Police District (MPD) ang ikakalat ngayong Linggo na araw ng selebrasyon ng Pista de Sto. Niño sa Tondo, Manila.
Ayon ito sa bagong promote na si MPD Director, Police Brig. General Thomas Ibay makaraang atasan ni Manila Mayor Honey Lacuña na tiyakin ang katiwasayan at kaligtasan ng mga mamamayan maging ng mga bisita sa naturang kapistahan.
Ilan sa mga pulis ang itatalaga sa mga ruta sa gaganaping tradisyunal na prusisyon na “Lakbayaw” bilang pagbibigay seguridad sa lahat ng dadalo dito.
Bukod sa MPD, inatasan din ni Lacuña ang mga hepe ng mga departamento ng Manila City Hall para sa pagpapatupad ng mga polisiya, ordinansa, pagpapanatili ng kalinisan at kapayapaan sa selebrasyon.
Kabilang sa mga departamento na pakikilusin ang mga tauhan ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), mga pampublikong ospital, Department of Public Services (DPS), at City Engineering Office.
Inaasahan ni Lacuña na mas maraming bisita ang makikibahagi sa Pista de Sto. Niño makaraan ang tagumpay ng Traslacion sa Pista ng Quiapo at pagtatapos ng mga restriksyon ukol sa COVID-19.