Sumama sa kilos protesta vs modernization...
MANILA, Philippines — Dahil makakaapekto umano ito sa libu-libong mananakay ng jeepney sa darating na Enero kaya’t hinimok ng transport group na MANIBELA ang mga pasahero na makiisa sa isinagawa nilang kilos protesta laban sa franchise consolidation sa ilalim ng PUV modernization program kapag itinuloy ang itinakdang deadline sa konsolidasyon sa darating na Dec. 31.
Nangangahulugan umano ito na makakansela na ang permit to operate ng maraming mga jeepney operators.
Ayon kay Mar Valbuena, pangulo ng MANIBELA na nasa 40,000 jeepneys ang hindi pa nakaka-comply sa consolidation ang hindi na makakabiyahe pa pagdating ng Enero kung saan sa malaking bilang na ito mas maraming commuters din ang maaapektuhan ang pagbibiyahe.
Magugunitang nagharap na ng petisyon ang transport groups sa Korte Suprema para pigilan ang pagpapatupad ng PUV modernization.
Sakali umano na ibasura ng SC ang kanilang petisyon ay wala na silang magagawa kundi ang ipagpatuloy ang protesta at malaking bagay kung makakasama nila ang mga mismong commuters na siyang lubhang maaapektuhan.
Ganito rin ang naging banta ng PISTON na dalhin ang kanilang hinaing sa mga gate ng Malacañang.