MANILA, Philippines — Isang rice price watchdog ang nagbabala na maaaring umabot ng hanggang P60 ang kada kilo ng regular-milled na bigas sa bansa hanggang sa panahon ng Kapaskuhan.
Ang babala ay ginawa ng Bantay Bigas bunsod na rin ng kapos sa lokal na suplay at tumataas na presyo ng international market.
Ayon kay Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo, hindi lamang sa Kamaynilaan mataas ang presyo ng bigas, kundi maging sa mga rice producing provinces din.
Tinukoy ni Estavillo ang Aurora province, na nasa P52 kada kilo ang pinakamurang bigas at nakakalungkot dahil sa nalalapit na ang Pasko.
Anya, maaaring magpapatuloy pa ang pagtaas ng presyo ng bigas sa panahon ng Kapaskuhan at umabot pa ng hanggang P60 kada kilo bunsod ng kawalan ng konkretong solusyon ng pamahalaan.
“Nakakatakot. Baka aabot talaga ng P60 per kilo ‘yong mga regular-milled rice given na wala namang nagagawang concrete na solusyon ‘yong gobyerno bagkus ay mag-import,” aniya, sa panayam sa Teleradyo Serbisyo.