19 katao napatay sa BSKE - Comelec

Members of the Electoral Board start counting the votes for the Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at Araullo High School in Manila on Monday.
Edd Gumban/The Philippine STAR

MANILA, Philippines — Labinsiyam na katao ang nasawi habang 19 ang nasugatan sa magka­ka­hiwalay na insidente ng karahasan sa kasagsa­gan na campaign period at mismong araw ng Ba­rangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) nitong Lunes.

Ito ang kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) spokesperson John Rex Laudiangco na batay sa resulta  ng 29 na “election-related violence” na naitala ng komisyon mula Agosto 28 hanggang Oktubre 30.

Nakapagtala rin ng 113 iba pang insidente ng ka­ra­hasan na iniimbestigahan na ng mga otoridad kung may kinalaman rin sa eleksyon.

Karamihan sa mga insidente ay naganap sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Min­danao (BARMM) na may 13 insidente at nag­resulta ng pagkasawi ng 11 indibidwal at pagkasugat sa 14 pa. May 12 suspek sa mga insidenteng ito ang nadakip ng mga otoridad.

Tatlong insidente ang nangyari sa Region 1 na may isang nasawi at tatlo ang sugatan; tatlong insidente sa Region 10 na may isang sugatan; dalawang insidente sa Region 5 at Region 7 na parehong may dalawang nasawi; at dalawa rin sa Cordillera Administrative Region na may isang nasawi.

Nakapagtala ng tig-iisang insidente sa National Capital Region (NCR); Calabarzon na may isang nasawi; Region 8 na may isang sugatan; at Region 9 na may isang nasawi.

Una nang inihayag ng Comelec na “generally peaceful” ang naganap na BSKE at sinabing mga “isolated incidents” ang nangyari.

Anya,sa kabila na “cause of concern” rin ang naturang mga insi­dente, sinabi niya na mas mababa pa ito kumpara sa mga insidenteng nangyari noong halalan ng 2018 na mayroong mahigit 300 insidente na nagresulta sa halos 100 na nasawi.

Sa kabila ng mga ulat ng karahasan na may ka­ugnayan sa halalan, idineklara ni Comelec chairperson George Garcia ang BSKE 2023 bilang “isang uri ng tagumpay” kahit na sinabi niyang walang halalan ang naging perpekto.

Show comments