MANILA, Philippines — Nagbabala si Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman Jonathan D. Tan sa lahat ng mga negosyanteng gumagamit ng pantalan na itigil ang mga sistema ng suhulan upang huwag maperwisyo ang kanilang mga pagnenegosyo.
Partikular na pinuntuhan ni Chairman Tan ay ang raket ng mga tiwaling negosyante sa sistemang under declaration sa timbang ng mga pinararating na truck upang makabawas ng bayarin sa taripa at buwis.
Bistado rin umano ang mga gawain ng ilan na nireretoke at binabago ang year model ng truck at pinaiikli ang proseso upang maiwasan ang mahigpit na polisiya sa pantalan sa pamamagitan ng umano’y panunuhol.
Inihayag pa ni Chairman Tan na nakaproseso na ang SBMA sa pagbili ng weighing scale na maaaring magamit na sa November 15 ngayong taon upang mabigyan ng sapat na kagamitan ang ahensiya upang mas matiyak na tama ang totoong timbang ng mga imported na sasakyan at matiyak na mapipigilan ang mga iligal na gawain at katiwalian sa port area.
Kinastigo rin ng SBMA Chief ang sinuman na gagamit sa kaniyang pangalan upang manghingi ng salapi bilang suhol kung lahat agad na ibinigay nito ang kaniyang personal na numero ng telepono sa mga truckers upang agad isumbong ang mga ganitong kalokohan.