MANILA, Philippines — Magtatag na ng isang ahensya para protektahan at labanan ang anumang pag-atake ng mga hackers, o mas malala pa, ng mga cyber terrorists, sa mga computer at data systems sa bansa.
Ito ang hiniling ni House Deputy Majority Floor Leader at ACT-CIS Cong. Erwin Tulfo sa pamahalaan matapos ang sunud-sunod na pag-atake ng mga hackers sa mga computer data system at websites ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng PhilHealth, Department of Information, Communication and Technology (DICT) at maging ng House of Representatives.
“Nakita natin na kung gaano ka vulnerable at helpless ang mga ahensya natin sa pag-atake ng mga hacker sa mga websites o mga computer files ng mga government agencies natin,” wika ni Tulfo.
“Bagama’t naayos naman ang problema after a few days, we want sana na ma-prevent ang mga problemang ito bago pa ang mga pag-atake ng mga hackers na ito,” dagdag pa ni Tulfo.
Aniya, marami ng bansa ang nagtatatag na ng cyber security agency dahil online o digital na ang halos lahat ng transaction pati ang komunikasyon sa buong mundo.
Para kay Tulfo, ang itatag na cyber security office o agency ay may kakayahan na pangalagaan at protektahan ang mga digital files ng gobyerno laban sa mga pag-atake ng mga ordinaryong hackers at posibleng cyber terrorists.
Plano ni Tulfo na maghain ng isang panukalang batas para sa pagtatatag ng isang ahensya na labanan ang problemang ito at protektahan lahat tayo sa anumang cyber attack.