20 pang sangkot pinapasuko…
MANILA, Philippines — Isang 4th year criminology student ang nasawi matapos umanong dumaan sa fraternity hazing ng Tau Gamma Phi Fraternity, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Idineklarang dead on arrival sa Chinese General Hospital ang biktimang si Ahldryn Lery Chua Bravante, 25, 4th year Criminology Student at residente ng Pinabayaan Esguerra Compound, Brgy. Pasong Buaya, Imus City, Cavite.
Nasa kustodiya ng Quezon City Police District- Criminal Investigation and Detection Group (QCPD-CIDU) ang mga suspek at mga initiator na sina Justine Cantillo Artates, 20, 3rd year Criminology student ng PCCR, ng Rowen St. Marceles Subdivision, Imus City, Cavite; Kyle Michael Cordeta de Castro, 21, ng Bulusan St., Brgy. Paang Bundok, Quezon City; Lexe Angelo Diala Manarpies,20 estudyante ng PCCR, ng Aguho St., Brgy. Claro, Project 3, Quezon City; at Mark Leo Domecillo Andales, 20, estudyante ng PCCR ng Neptali Gonzales St., Sitio II, San Jose, Mandaluyong City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente,alas-2:00 ng hapon nitong Lunes sa abandonadong gusali ng STEPS Condominium sa Calamba St., Brgy. Sto. Domingo, Quezon City.
Nabatid na alas-7:00 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang Blumentritt PCP ng Manila Police District mula sa Chinese General Hospital na isang lalaki na puno ng pasa at walang malay ang dinala ng dalawang lalaki.
Sa salaysay nina Artates at De Castro, inamin ng mga ito na miyembro sila ng Tau Gamma Phi Fraternity Philippine College of Criminology (PCCR) Chapter at sumasailalim sa initiation rites si Bravante.
Napansin na lamang nilang nahirapan sa paghinga si Bravante at nawalan ng malay kaya dinala na nila sa nasabing ospital na ideklarang dead on arrival habang inaresto sina Artates at De Castro. Boluntaryo namang sumuko sina Manarpies at Andales.
Lumilitaw sa cursory examination na nagtamo ng hematoma sa magkabilang hita ang biktima bukod pa sa mga paso ng sigarilyo sa dibdib at kamay.
Samantala, pinasusuko na ng Quezon City Police District ang 20 iba pang sangkot sa hazing incident.
Lumalabas naman sa inisyal na imbestigasyon na tinapon sa ilog sa nagtahan ang paddle na ginamit sa initiation rites ng Tau-Gamma Phi Fraternity.