MANILA, Philippines — May posibilidad na gamitin ng mga cybercriminals ang mga personal data ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na na-exposed matapos ang data breach na naganap sa sistema ng naturang state insurer noong nakaraang buwan.
Ito ang naging babala ng National Bureau of Investigation (NBI) at pinayuhan ng NBI ang mga PhilHealth members na kaagad na i-update ang kanilang online credentials upang makaiwas dito.
Ayon kay NBI Cybercrime Division Chief Jeremy Lotoc, ang mga na-exposed na personal data ay maaaring gamitin ng mga cybercriminals sa paglikha ng mga fictitious e-wallet accounts, online bank accounts, social media-messaging accounts at iba pa upang makapanloko ng kapwa.
Dahil dito, dapat aniyang i-update kaagad ng mga miyembro ng PhilHealth kanilang mga accounts at palitan ang kanilang mga passwords, email addresses, cell phone numbers, at iba pang detalye na naisumite upang maiwasang mabiktima ng mga ito.
Nagbabala rin si Lotoc na ang mga uploaded PhilHealth data ay maaaring mayroon ring mga malisyosong payloads na makaka-infect ng mga computer systems at magdudulot ng karagdagang pinsala sa mga biktima.
Matatandaang kamakailan ay nabiktima ng Medusa ransomware attack ang sistem ng PhilHealth at nang hindi ito magbayad ng $300,000 sa mga hackers ay ini-upload ang ninakaw nilang datos sa isang website, sanhi upang malantad ang mga ito sa publiko.