MANILA, Philippines — Inihalintulad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang smugglers, hoarders, at price manipulation bilang “bukbok” (grain weevil) na sumisira sa balanseng suplay ng bigas at presyo sa merkado.
Ang tinuran na ito ni Marcos ay nang pangunahan niya kahapon ang pamamahagi ng parte ng nakumpiskang smuggled rice sa 1,000 residente sa San Andres Sports Complex, Maynila.
“Bilang patunay na ang pamahalaan ay seryoso sa pagsugpo ng smuggling – ang mga bitbit po naming mga bigas ngayon ay mula sa mga nakumpiskang supply sa Zamboanga Port, na napatunayang hindi dumaan sa legal na proseso ng importasyon,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang talumpati.
Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng 25 kilo ng bigas, bahagi ng 42,180 sako ng smuggled rice na nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) mula sa isang bodega sa Brgy. Baliwasan, Zamboanga City na kalaunan ay ibinigay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Winika ng Pangulo na mas mabuti na ipamahagi ang bigas sa halip na masayang ito.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos sa mga benepisyaryo na ang nasabat na bigas ay dumaan sa legal proceedings bago pa ito ipinamahagi sa kanila.
“Sa Bagong Pilipinas, bawal ang smuggler, bawal ang hoarder, at bawal din ang mga mapang-abuso [at] mapagsamantala sa ating bayan,” sinabi pa Marcos.
Hindi rin umano titigil ang pamahalaan sa patuloy na pagbuwag sa mga smuggler at hoarder na nagpapahirap sa taong bayan.