MANILA, Philippines — Guilty ang naging hatol ng Sandiganbayan sa tatlong dating opisyal ng binuwag na Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) kaugnay ng kuwestiyonableng paggamit ng P9.6-M halaga noong 2007 sa ilalim ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam na napatunayang ghost livelihood projects .
Sa desisyong ibinaba ng Sandiganbayan 3rd Division sa promulgasyon noong Setyembre 15 ng taong ito, hinatulan ng 6-10 taong pagkakakulang sa kasong graft at karagdagang 12-18 taong kalaboso naman sa kasong malversarion of public funds ang tatlong dating opisyal ng TLRC na kinilalang sina dating TLRC Executives Dennis Cunanan; Belina Concepcion; at Marivic Jover.
Ang nasabing proyekto ay pinondohan ng PDAF ng yumaong si dating 3rd District Negros Oriental Herminio Teves na hindi nahatulan dahilan namatay ito.
Kasama rin sa mga nahatulan sa nabanggit na kaso ay sina Hiram Diday Pulido, dating Chief of Staff ni Teves at si Samuel Bombero, kinatawan ng Molugan Foundation Inc.
Noong 2013 ay idineklara naman ng Korte Suprema na unconstitutional ang PDAF dahilan sa kontrobersyal na mga ghost projects pero naipalabas ang pondo.
Ang desisyon ay ipinalabas ni Associate Justice Ronald Moreno kasama sina Presiding Justice and Division Chairperson Amparo Cabotaje-Tang at Associate Justice Bernelito Fernandez.
Maliban sa pagkakakulong inatasan din ng anti-graft court sina Cunanan, Jover, Concepcion, Pulido at Bombeo na bayaran ang P 9.6-M multa na katumbas ng winaldas ng mga itong pondo gayundin ang indemnification fee ng P9.6-M na may 6 % interes o tubo.
Napawalang sala naman si TLRC Department Manager Francisco Figura at ipinag-utos din ang pagbuhay sa kaso laban kay Director General Antonio Ortiz na nagtago sa batas.