Oil firm execs planong imbitahan ng Kamara

Pinapalitan kahapon ng gas attendant ang bagong presyo ng petrolyo sa kanilang gasolinahan sa Quezon City matapos na muling magtaas ng presyo kahapon ang mga oil company ng ika-10 beses ngayong linggo.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Nakatakdang ipatawag ni House Speaker Ferdinand Romualdez ang lahat ng oil players sa bansa upang makahanap ng posibleng solusyon sa sunud-sunod na presyo ng kanilang produkto.

 Ayon kay Romualdez, sa pagtaas ng presyo ng petrolyo lahat ay tumataas base sa dikta ng world market at problema rin ang oil deregulation law kaya tali ang kamay ng pamahalaan.

Nais ni Romualdez  na marinig ang suhestiyon ng mga oil companies kung papaano o ano ang dapat gawin ng gobyerno para maibsan naman ang paghihirap ng taumbayan.

Ani Romualdez, alam ng lahat na old stock pa ang ibinebenta sa mga gasolinahan at ang price increase ng world market ang ipinatutupad.

“Mas maganda na magtulungan na lang ang mga oil players at ang gobyerno kung papaano mabawasan itong paghihirap ng taumbayan,” dagdag pa ni Romualdez.

Dagdag pa nito na may mga panukalang batas na sa Kongreso para rebyuhin ang Oil Deregulation Law kung angkop pa ba ito sa panahon ngayon.

Show comments